Sa isang pambansang seminar na dinaluhan ng mga guro sa Filipino mula sa mga paaralang pribado at publiko sa iba’t ibang panig ng ating bansa, sinimulan ko ang aking panayam sa tanong na: Anu-ano ang inyong problema sa pagtuturo ng panitikan sa inyong mga klase? Napakarami at iba-iba ang nakuha kong sagot mula sa mga partisipant ng nasabing seminar, ngunit ang pinakapalasak ay ang kawalan ng interes ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng mga akdang pampanitikan.

Samantala, sa isang klase ko sa Filipino sa kolehiyo, isang mabilisang sarbey ang aking ginawa. Tinanong ko ang aking mga mag-aaral kung sino sa kanila ang may hilig sa pagbabasa ng mga akdang pampanitikan. Hindi na ako nagulat nang ilan-ilan lamang ang nagtaas ng kamay. Tinanong ko ulit ang mga hindi nagtaas ng kamay kung bakit. Sa tanong na iyon, iba-iba ang aking nakuhang sagot. Ngunit nang tanungin ko sila kung bakit hindi ba sila namotibeyt sa elementarya at hayskul upang makagiliwan ang pagbabasa ng mga akdang pampanitikan, sunud-sunod na pamumuna at paninisi sa kanilang mga naging guro ang natanggap ko!

Kung tutuusin, maging ang maraming dalubhasa ay sang-ayon sa mga guro dapat isisi ang kawalan ng interes ng mga mag-aaral sa pagbabasa ng tunay na panitikan, lalo na kung panitikang Filipino ang pag-uusapan. Kung nagbabasa man sila ay sapagkat ipinababasa sa kanila ng guro. Sa isang panayam ay ganito ang sinabi ni Badayos (1998): … May malaking bagay na nagagawa ang paraan ng pag-aaral at pagtuturo ng panitikan sa ating mga paaralan. Hinayaan nating magdaos ng paligsahan ang mga mag-aaral sa pagsasaulo ng nilalaman ng panitikan. Naging maluwag tayo sa pagsasabing “magaling” sa sinumang makasasagot ng mga tanong na ang simula ay Sino, Ano, Alin, Kailan, Saan tungkol sa itinakdang aralin sa panitikan.

Idinagdag pa ni Badayos ang mga sumusunod na oberbasyon: Hindi tumutugon sa tunay na kalikasan ng panitikan ang karaniwang pag-aaral nito. Sa pag-aaral ng isang akdang pampanitikan, malimit nang sinasabi ng guro kung ano ang makikita at madarama sa akda. Ang tungkulin niya na iparanas sa mga mag-aaral ang kabuuan ng akda ay tuluyan nang kinalilimutan.

Sa aking pagmamasid sa mga pakitang-turo ng mga meydyor sa Filipino, napansin kong bagama’t iba-iba ang kanilang paksa, tila bagang “Urbana at Feliza” ang akdang kanilang tinatalakay. Marahil, iyon kasi ang turo ng kanilang cooperative teacher o iyon ang nakagawian nila sa elementarya at hayskul. Kaya naman ang mga akda ay binabasa para lamang alamin ang mga aral na mapupulot dito.

Karaniwan na rin ang pilit na pag-ukilkil ng maraming guro sa kaligirang pangkasaysayan ng isang akda at sa talambuhay ng may-akda. Nakalilimutan yata ng marami na ang panitikan ay hindi kasaysayan. Ginugugol nila ang kanilang panahon sa pagtalakay ng pinagmulan ng isang naisulat na akda o ng mga detalye sa buhay ng isang manunulat. Ang mga ganitong guro ay hindi nagtuturo ng panitikan kundi ng kasaysayan. Ito ang dahilan kung bakit ipinayo ni Badayos (1998) na panitikan ang dapat ituro at hindi ang kung ano pa man.

Ganito naman ang sinabi ni Sloan (1975) hinggil sa bagay na ito: Literature must cast off its Cinderella rags. For too long now, it has been a servant in the classroom to teach reading skills, inculcate more values, develop positive concepts, and/or provide insights into the history of the people and other lands. Of course, it is true that literature is useful in doing all of these things and more. But literature is first of all an art and should be taught as literature for its own sake and for its inherent values. Everything else associated with its study is of secondary consideration.

Ito ang dahilan kung bakit kinailangang baguhin ang kurikulum ng panitikan sa batayang edukasyon. Kung kaya nga sa ngayon, ang napapanahong tanong ay ito: Paano ba dapat ituro ang panitikan sa batayang edukasyon?

Pagtuturo ng Panitikan sa Batayang Edukasyon: Mga Implikasyon

Ang panitikan sa lebel sekundarya ay itinuturo sa ikatlo at ikaapat na taon. Binigyang-diin sa bagong kurikulum na ang deskripsyon ng pag-aaral na ito ay Panunuring Pampanitikan o Maunawang Pagbasa. Ang paggamit ng salitang panunuri at maunawa ay tila nagpapaalala na ang pag-aaral ng panitikan sa bagong kurikulum ay higit na mataas sa dating kurikulum at kung gayo’y lumilinang hindi lamang sa literal comprehension kundi lalo’t higit sa higher order thinking skills ng mga mag-aaral.

Ang Filipino sa ikatlong taon ay nakatuon sa pagsusuri ng iba’t ibang genre ng pambansang panitikan, samantalang pagsusuri ng iba’t ibang genre ng panitikang bernakular at panitikang Asyano naman sa ikaapat na taon. Ang pagtuturo ng bawat akda ay nahahati sa limang sesyon na kinapapalooban ng mga sumusunod na hakbang (BEC Patnubay ng Operalisasyon):

Unang Sesyon: Paglalapit sa Akda sa mga Mag-aaral
1. Mga Panimulang Gawain
a) Malikhaing Pagganyak
b) Malikhaing Paglalahad
2. Pagbasa
3. Malikhaing Pagbubuod
Ikalawang Sesyon: Pagsusuri sa Akda
1. Mga Panimulang Gawain
2. Pagsusuring Panlinggwistika
3. Pagsusuring Pangnilalaman
4. Pagsusuring Pampanitikan (Paglalapat ng Tiyak na Teorya)
Ikatlong Sesyon: Pagpapahalaga
1. Mga Panimulang Gawain
2. Pagpapakita ng Pakikisangkot
3. Pagpapakita ng Paghahambing
4. Pagpapakita ng Pagtataya
Ikaapat na Sesyon: Paglikha
1. Mga Panimulang Gawain
2. Paghahanda sa Paglikha a) Pagtukoy sa mga Tiyak na Kraytirya/Pamantayan
3. Paglikha
4. Pagpapahalaga sa Ilang Pagsisimula
5. Paglilinaw (Guro)
Ikalimang Sesyon: Ebalwasyon
1. Mga Pang-ugnay na Gawain
2. Pansariling Ebalwasyon
3. Pangklaseng Ebalwasyon
4. Panggurong Ebalwasyon
5. Panghuling Input (Guro)

Ano ang implikasyon ng prosesong ito? Ibig sabihin lamang nito na ang pagtuturo ng panitikan sa mataas na paaralan ay kailangan maging interaktib at kolaboratib. Pinalalawak nito ang interaksyong pangklase sa pagitan ng guro at mga mag-aaral, ngayo’y kailangang magkaroon din ng malawak at makabuluhang interaksyon ang mag-aaral sa kapwa mag-aaral, ang mga mag-aaral sa teksto at maging ang mag-aaral sa komunidad.

Ang proseso ng pagtuturo-pagkatuto ay hindi na rin monopolisado ng guro. Wika nga ni Garcia (2003), nalipasan ka na ng panahon kung laging ikaw ang bida sa iyong klase. Ang prinsipyong ito, ayon pa rin kay Garcia, ay nakabatay sa mga sumusunod na paniniwala.
1. Hindi monopolisado ng guro ang karunungan at kaalaman.
2. Ang estudyante ay isang nilikhang nag-iisip at nagsasaliksik, kung kaya’t may nalalamang hindi natin alam.
3. May malaking bagay na nawawala kung aariin nating ganap ang mga kaalamang lagpas sa ating pinag-aralan o espesyalisasyon.

Kaya nga, ito ang payo ni Garcia (2003): Tulad ng isang tunay na artista, nararapat lamang na gumanap tayo ng iba’t ibang papel sa loob ng klasrum upang bigyang-hamon hindi lamang ang ating mga sarili kundi (upang) mabigyan din ng ibang perspektib ang ating mga estudyante.

Paano ito isasagawa sa klasrum? Matalinong pagpili ng estratehiya ang sagot dito. Ang kailangan lamang ay pagpili ng angkop na mga estratehiya sa isang partikular na akda at paggamit ng barayti ng mga ito upang ang klase sa panitikan ay hindi maging kabagut-bagot at labis na prediktabol sa mga mag-aaral.

Isa pang kapansin-pansing katangian ng inilahad na proseso ay ang paglalapat ng tiyak na teoryang pampanitikan sa bawat akdang tatalakayin sa klase. Ano kung gayon ang implikasyon nito? Ibig sabihin lamang nito na kailangan maging ganap na pamilyar ang bawat guro sa panitikan sa bawat teoryang ilalapat sa klase. Batid kong isa ito sa mga sabdyek natin sa kolehiyo noong tayo’y nag-aaral pa lamang. Balik-aralan natin ito kung kinakailangan. Marami nang mga aklat, babasahin at artikulong nailathala tungkol sa paksang ito.

Makatutulong sa atin kung babasahin natin ang mga iyon nang sa gayo’y magkaroon ng direksyon ang pagsusuri sa bawat paksa, hindi iyong parang padamput-dampot lamang tayo ng mga tanong sa hangin.
Pokus sa Pagsusuri ng mga Akdang Pampanitikan

Sa kurikulum sa batayang edukasyon, binigyang-diin ang paglinang sa higher-order thinking skills (HOTS). Kaugnay nito, makatutulong marahil kung ating babalikan ang taksonomi ni Benjamin Bloom (1984) sa pagkakategorya ng lebel ng abstraksyon ng mga tanong na karaniwang ginagamit sa anumang edukasyunal na setting. Ang taksonomi ni Bloom ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang na istruktura kung paano makakategorya ang mga tanong pantalakayan at pampagsusulit. Ang aking paniwala kasi ay ito: Kung madedetermina ng guro ang mga tanong na nakapaloob sa bawat partikular na lebel kaugnay ng isang leksyong pampanitikan, hindi na magiging mahirap para sa kanya ang pagpili ng angkop na estratehiyang kanyang gagamitin.

Sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan, mahalaga ang taksonomi ni Bloom at maging ang sining ng pagtatanong ng guro. Kaugnay nito, pansinin natin ang paglalarawan ng Manwal na Operalisasyon ng BEC sa tatlong antas na pagsusuri:

… [Ang] pagsusuring panlinggwistika…ay ibabatay sa mga tiyak na elementong ponemiko tulad ng sukat/tugma, pag-uulit ng mga salitang pantig, letra, onomatopeya. Sa bahaging ito, masusuri ang akda batay sa mga ibig sabihin ng salita (pamimili ng salita, pahiwatig ng kapangyarihan ng salita, pag-aagawan ng kahulugan ng salita, etimolodyi ng salita). Sa bahagi ring ito maaaring suriin ang akda batay sa pagkakabuo ng mga pangungusap (haba, ikli, pag-uulit, pagbabagu-bago).

Sa pagtalakay naman ng akda sa aspektong pagsusuring pangnilalaman, susuriin ang akda batay sa mga nais sabihin nito, sa mga tiyak na tradisyunal na elemento, pagtukoy sa bisa ng akda sa lipunan (kamalayang panlipunan).

Sa pagsusuring pampanitikan, ang akda ay susuriin batay sa mga tiyak na teorya, pamantayan sa pamumuna, katawagang pamapanitikan at ugnayan at pagkakaayos ng mga tiyak na elemento ng akda.

Ilang Panghuling Tagubilin

Paano nga ba natin mapabubuti ang pagtuturo ng panitikan nang sa gayo’y kawilihan ng mga mag-aaral ang pag-aaral na ito? Anu-ano nga ba ang mga katangiang dapat taglayin ng guro ng panitikan?

Sa aking pagbabasa-basa ng mga artikulong kaugnay nito, natipon ko ang mga sumusunod na pangangailangan upang maging isang epektibong guro ng panitikan:
1. Pang-unawa, 2. Puso, 3. Pagkamalikhain, 4. Sensitibiti,5. Kahandaan.

Ganito ang sinabi ni Natividad (Binanggit ni Padolina, 2001) kaugnay sa
unang pangangailangan: …Walang magaling at mahusay na pamaraan sa isang gurong hindi nakakaunawang lubos ng paraang ginagamit… Guro at guro pa rin ang dapat magpakadalubhasa sa pamamaraan upang makinabang ang mga mag-aaral.

Kaugnay ng ikalawang pangangailangan, ganito ang sinabi ni Simbulan
(1998): Hindi natin maituturo ang panitikan sa pamamagitan ng labi lamang, dapat tayong magkaroon ng isang pusong nakauunawa upang makayang pakahulugan ang mga damdamin ng may-akda, ang kanyang hinagpis at kaligayahan, isang pusong maaaring makatarok sa lalim ng kawalang pag-asa sa mga taludtod ng isang makata, masilip ang nakatambad na daigdig ng kagandahan at kapangitan nang buong kaluwalhatian at pagkilala, maunawaan ang kahulugan ng isang hungkag na tagumpay, ang pamumulaklak ng isang pag-ibig at ang mabilis na paglipas nito. Kailangan natin ang puso upang malaman at mapahalagahan ang lahat ng ito. Dapat tayong making sa pintig ng karunungan ng puso.

Ganito naman ang sinabi ni Badayos (1998) kaugnay ng ikatlong
pangangailangan: … huwag pa rin nating kalilimutan ang pagiging malikhain. Isang pambihirang katangian ng guro ang pagiging malikhain. Ito’ isang katangiang dapat taglayin ng bawat guro upang ang pagtuturo at pagkatuto ay maging magaan, mabilis, makahulugan, mabisa at kasiya-siya.

Samantala, kaugnay ng ikaapat at ikalima ay ganito ang sinabi ni Garcia
(2003): … hindi totoong ganoon lamang kadali ang magturo ng panitikan. Kung kinikilala natin ang panitikan ay buhay, aba naman, huwag tayong manira ng buhay sa pamamagitan ng maling pagpapakilala nito sa ating mga tinuturuan. Maging sensitib at handa muna [tayo] bago [natin] salungatin ang agos ng buhay!

* References are available upon request.