Ang salita nati’y huwad din sa iba
Na may alpabeto at sariling letra
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.
-”Sa Aking mga Kababata”
ni Dr. Jose P. Rizal, Calamba, 1869

Ang mga mananaliksik ay nangagkakaisa na ang ating mga ninuno’y may sarili nang kalinangan at sibilisasyon bago pa man dumating ang Kastila. Bukod sa pagkakaroon na ng sistema ng pamamahala at kalakalan, sila ay maalam nang sumulat at bumasa. Samakatwid, mayroon na silang sistema sa pagsulat gamit ang kanilang alpabeto na tinawag nilang Alibata. Ito ay binubuo ng labimpitong titik: tatlong patinig at labing-apat na katinig.

Ang direksyon ng pagsulat ay isa pa ring suliranin sapagkat walang iskolar ang makapaglahad ng di-mapag-aalinlanganang katunayan a katibayan na makapagpapatotoo hinggil dito. Gayon man, ipinapalagay na malamang na tama ang teorya ni Padre Pedro Chirino na ang mga sinaunang Pilipino ay sumusulat nang pabertikal mula taas paibaba at pahorisontal mula kaliwa pakanan.

Sumusulat sila sa mga kahoy at kawayan, sa malalaking dahon, sa lupa at mga bato gamit ang kanilang balaraw o anumang matutulis na bagay bilang panulat at dagta ng mga puno at halaman bilang tinta. Mangilan-ngilan lamang sa mga ito ang umiiral pa sa kasalukuyan at matatagpuan sa mga museo sa ilang lugar. Bunga ito ng mapanirang gawain ng mga unang misyonerong Kastila na dumating sa ating kapuluan dahil ipinalagay nilang ang mga iyon ay gawa ng demonyo. Ang ibang piraso ng literaturang pre-kolonyal ay naipasa sa ibang henerasyon sa pamamagitan ng pasalitang paraan na lamang.

Sa pagdating ng mga Kastila, napalitan ang lumang alibata ng alpabetong Romano. Itinuturing ngang isa sa pinakamahalagang impluwensya sa atin ng mga Kastila ang romanisasyon ng ating alpabeto. Tinuruan ng mga Kastila ang mga Pilipino sa paggamit ng alpabetong Romano. Ang mga titik ay tinawag nang pa-Kastila, alalaong baga’y nakilala sa tawag na Abecedario. Ganito ang tawag sa mga titik sa Abecedario:

/a/ /be/ /se/ /che/ /de/ /e/ /efe/ /he/ /ache/ /i/

/hota/ /i/ /ele/ /elye/ /eme/ /ene/ /enye/ /o/ /pe/ /ku/ /ere/ /erre/ /ese/

/te/ /u/ /ye/ /doble u/ /ekis/ /ye/ /seta/.

Noong panahong iyon, naging palasak ang mga akda sa wikang Tagalog na nakasulat sa palabaybayan ng Kastila tulad ng kasunod na halimbawa:

Cahinahinayang cung ito i maputi
Cucupas ang bang°, culai mauauacsi
At yaong may ibig na mangagcandili
Cusang babayaan sa pagcaruhagi.
-
Mula sa Sa May Mañga Anac na Dalaga ni Modesto Santiago

Ngunit hindi lahat ng Pilipino ay yumakap na lamang nang ganap sa bagong sistema ng pagsulat. May mangilan-ngilang matatalinong bagama’t gumagamit ng Abecedario ay nagpasyang magsalamin ng tatak-Pilipino sa pagsulat. Isa sa kanila ay ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Sa kabila ng edukasyong Europeo at kaalaman sa iba’t ibang wika ni Rizal, minahal niya ang kanyang sariling wika. Malinaw itong mababakas sa tula niyang Sa Aking mga Kababata na sinulat niya sa murang gulang pa lamang (may mga nagpapalagay na hindi si Rizal ang tunay na sumulat nito). Una si Rizal sa kampanya ng Pilipinisasyon ng ortograpiya. Halimbawa, ang mga Tagalog na titik na k at w, ‘aniya, ay dapat gamitin sa halip na mga Kastilang c at o. Halimbawa, ang kinastilang Tagalog na salita tulad ng salacot ay dapat umanong baybayin nang salakot. Gayon din ang salitang arao na dapat isulat nang araw.

Noon pa mang 1886, habang siya ay nasa Leipzig, ginamit ni Rizal ang isina-Pilipinong ortograpiya sa pagsasalin sa Tagalog ng William Tell ni Schiller at Fairy Tales ni Andersen. Muli niya iyong ginamit sa pagsulat ng kanyang unang nobelang Noli me Tangere sa Berlin noong 1887.

Habang siya’y naglalakbay sa Brussels, nalathala sa La Solidaridad noong Abril 15, 1890 ang artikulo niyang Sobre la Nueva Ortografia dela Lengua Tagala (Hinggil sa Bagong Ortograpiya ng Wikang Tagalog). Sa artikulong iyon, inilahad ni Rizal ang mga tuntunin ng bagong ortograpiyang Tagalog at, nang may pagpapakumbaba at katapatan, ibinigay niya ang kredit ng adapsyon ng bagong ortograpiya kay Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera, may-akda ng El Sanskrito sa Wikang Tagalog na nalathala sa Paris noong 1884.

Para sa rekord, sinulat ni Rizal, nang kapag inugat ang kasaysayan ng ortograpiyang ito na siya nang ginagamit ng mga mulat na Tagalista, ay maibigay kay Ceasar ang kay Ceasar. Ang inobasyong ito ay bunga ng mga pag-aaral sa Tagalismo ni Dr. Pardo de Tavera. Ako ay isa lamang sa mga masigasig niyong propagandista (Zaide & Zaide, 169-170).

Bunga ng pagpapahintulot ng pagpapalimbag ng diksyunaryo at akiat sa gramatika ng Wikang Pambansa at ng pagpapasimula ng pagtuturo ng Wikang Pambansa sa mga paaralan noong 1940, binalangkas ni Lope K. Santos ang bagong alpabeto na nakilala sa tawag na Abakada dahil sa tawag sa unang apat na titik niyon. Ang abakada ay binubuo ng dalawampung titik; labinlimang katinig at limang patinig, na kumakatawan sa isang makahulugang tunog bawat isa: 

/a/ /ba/ /ka/ /da/ /e/ /ga/ /ha/ /i/ /la/ /ma/ /na/

/nga/ /o/ /pa/ /ra/ /sa/ /ta/ /u/ /wa/ /ya/

Noong 1971, nadama ang di-kasapatan ng dating Abakada sa malawakang panghihiram ng mga salita at sa pagbabaybay ng mga pantanging ngalan. Bunga nito, nilikha ng Surian ng Wikang Pambansa ang Lupong Sanggunian na siyang nagsagawa ng mga pag-aaral. Nagkaroon din ng ilang public hearings ang Lupon sa Pambansang Wika ng Kumbensyong Konstitusyunal. Makalipas ang tatlong buwan, inilahad ng Lupong Sanggunian ang kanilang pasyang dagdagan ng labing-isang titik ang dating Abakada. Iminungkahi nilang idagdag ang mga sumusunod: C, CH, F, J, N [enye] , LL, Q, RR, V, X at Z na gagamitin sa pagbabaybay ng mga salitang hiram at mga pantanging ngalan.

Ang ilan sa mga naging problema ng mungkahing alpabetong ito ay ang magiging katawagan ng bawat titik at ang magiging kaayusan o order ng mga ito sa alpabeto. May ilang mga mungkahi ang ikinonsider kaugnay nito. Una sa mga ito ay ang sumusunod:

/ey/ /bi/ /si/ /si eych/ /di/ /i/ /ef/ /ji/ /eych/ /ay/ /jey/ /key/ /el/  

/ dobol el/ /em/ /en/ /enye/ /en ji/ /o/ /pi/ /kyu/ /ar/ /dobol ar/ /es/

/ti/ /yu/ /vi/ /dobol yu/ /eks/ /way/ /zi/.

Narito naman ang isa pang mungkahi:

/a/ /ba/ /ka/ /da/ /e/ /ga/ /ha/ /i/ /la/ /ma/

/na/ /nga/ /o/ /pa/ /ra/ /sa/ /ta/ /u/ /wa/ /ya/ /si/

/a-che/ /jey/ /elye/ /enye/ /kyu/ /erre/ /vi/ /eks/ /way/ /zi/.

Hindi pa mang ganap na nalilinaw ang mga tanong na kaugnay ng mungkahi ng Lupong Sanggunian, inilathala ng Sanggunian ng Surian ng Wikang Pambansa ang tuntunin sa palabaybayang Pilipino noong Abril 1, 1976. Kaugnay nito, ipinalabas ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura noong Hulyo 30, 1976 ang Memorandum Pangkagawaran Blg. 194 upang pagtibayin ang nasabing tuntunin ng palabaybayan nito.

Maraming mga iskolar ang tumutol sa nasabing tuntunin. Ilan sa kanilang mga argumento ay ang mga sumusunod:

1. Hindi malinaw kung paano tatawagin ang mga letra at kung paano ito pagsusunud-sunurin.

2. Ang pagsasama ng digrapong CH, LL, RR at NG, gayundin ang may kilay na n ay isang paraang di-matipid. Ang mga wika sa daigdig na may titik-Romano ay unti-unting nagbabawas ng kanilang mga digrapo upang makapagtipid at upang maging praktikal na rin. Ang pagdaragdag ng mga digrapo, kung gayon, ay isang hakbang na paurong.

Kung pagtuturo ng pagbabaybay ang pag-uusapan, kapag naisulat na ng isang mag-aaral ang C at H nang hiwalay, maisusulat na rin niya ang digrapong CH. Gayundin ang letrang LL, RR at NG. Ang letrang N naman ay may kilay lamang na N.

3. Mismong Malakanyang, sa isang liham sa Direktor ng SWP noong Enero 11, 1973, ay tumanggi sa pagsasama ng mga digrapong CH, LL, RR at NG at iminungkahing dalawampu’t pitong letra na lamang ang gamitin.

4. Hindi rin maayos gamitin sa enumerasyon o sa pagbabalangkas ang alpabetong may digrapo.

Bunga ng mga pagtutol at pag-aalalang ang mga ganitong pagbabago ay magbubunga lamang ng kalituhan lalo na sa mga batang nagsisimula pa lamang matutong sumulat at bumasa sa mga paaralang primarya, ang mga mungkahing pagbabago ay hindi tinanggap ng taong-bayan.

Ito ang dahilan kung bakit ang dating Abakada pa rin ang ginamit ng taong-bayan at ng midya at itinuro sa mga paaralan maging hanggang unang pitong buwan ng 1987.

Nagkaroon lamang ng malawakang pagtanggap sa mga pagbabago sa alpabeto noong mga huling buwan ng 1987 nang ipalabas ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 81 noong Agosto 6, 1987, na may pamagat na Ang Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino.

Simula noon, ang ating alpabeto ay nagkaroon na ng dalawampu’t walong titik na tinatawag nang pa-Ingles maliban sa /enye/ at may pagkakasunud¬sunod na ganito: 

/ey/ /bi/ /si/ /di/ /i/ /ef/ /ji/ /eych/ /ay/ /jey/ /key/ /el/ /em/ /en/

/enye/ /enji/ /o/ /pi/ /kyu/ /ar/ /es/ /ti/ /yu/ /vi/ /dobol yu/

/eks/ /way/ /zi/.

Samakatwid, ang pasalitang pagbabaybay ng mga sumusunod na salita ay ganito: ibon = /ay bi o en/ at hindi /i ba o na/, kintin = /key ay en ti ay en/ at hindi /ka i na ta i na/, bote = /bi o ti i/ at hindi /ba o ta e/, U.P. = /yu pi/ at hindi /u pa/, M.L.Q.U. = /em el kyu yu/ at hindi /ma la kyu u/.

Mapapansing ang mga titik ng Bagong Alpabeto ay mula sa dalawampung titik sa dating Abakada na dinagdagan lamang ng walong bagong titik na gagamitin sa pagbabaybay ng mga pangngalang pantangi, salitang hiram, salitang pang-agham at teknikal, salitang may inkonsistent na baybay at mga simbolong pang-agham. Mapapansin ding ang walong dagdag na letra ay mula naman sa labing-isang iminungkahing idagdag noong 1971. Hindi na lamang isinama ang mga digrapong CH, LL at RR para sa ekonomiya o pagtitipid. Pinanatili naman ang digrapong NG dahil ito ay tatak na ng ating katutubong alpabeto.

Noong 2001, lumikha ng isang teknikal na panel ang Komisyon ng Wikang Filipino na siyang lumikha ng 2001 Revisyon sa Alpabetong Filipino at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino. Walang pagbabago sa komposisyon at tawag ng mga letra sa rebisyong ito. Pinalawak lamang nito ang gamit ng mga dagdag na letra na nilimitahan ng patnubay sa ispeling noong 1987. Ang mga dagdag na titik na pinalawak ang gamit ay ang F, J, V at Z dahil ang mga ito, diumano, ay may ponemik istatus na hindi kagaya ng C, N, Q at X na mga redandant na titik.

Dalawang mahalagang linggwistikong prinsipyo ang isinaalang-alang sa pagbabalangkas ng mga tuntunin sa ispeling noong 2001. Ito ay ang a) simplisidad at ekonomiya, at b) pleksibilidad. Maganda rin ang mga naging layunin ng proyektong ito – ang makapagbigay-gabay sa panghihiram ng mga salita at pagsasalin ng pasalitang wika tungo sa nakasulat na anyo upang makapag-ambag sa istandardisasyon at leksikal na elaborasyon ng pambansang wika.

Ngunit ang tuntuning ito sa ispeling noong 2001 ay nagbunga ng pagkakahati-hati ng mga iskolar sa wika. May mga sumunod sa tuntunin at mayroong hindi. Mayroon ding sumunod nang hindi ganap na nauunawaan ang mga prinsipyo at tuntunin. Nagbunga ang ganitong sitwasyon ng paglitaw ng iba’t ibang sistema ng ispeling ng mga institusyong akademiko at publikasyon. Sa madaling sabi, hindi umiral ang istandardisadong sistema ng ispeling na isa sanang layunin ng nasabing tuntunin.

Kaya noong 2006, mismong ang KWF na ang nagsuspinde sa nasabing tuntunin, at samantalang hindi pa nakababalangkas ng bago, nagmungkahing ang tuntunin sa ispeling ng 1987 na muna ang gamitin.

May tatlong taon din ng mga pag-aaral at konsultasyon mula noong 2006 bago naipalabas ng Sangay ng Lingguwistika ng KWF ang 2009 Gabay sa Ortograpiyang Filipino sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 104, s. 2009 ng DepEd. Ang mga titik sa alpabetong Filipino ay 28 pa rin at ang pagkakasunud-sunod at tawag ay tulad pa rin sa 1987 Ang Alpabeto… Tuluyan nang isinantabi ang mga tuntunin sa 1987 at 2001 Revisyon…, maliban sa mga tuntunin noong 1987 na pinanatili sa 2009 Gabay… Sa Paunang Salita ng Gabay, nilinaw ni Punong Komisyoner Jose Laderas Santos na:

…hindi nangangahulugan na nasapit na nito ang pinal na yugto.

Sa halip, gaya pa rin ng dati na laging nag-aanyaya sa pagbulas at patuloy na pagyaman.

Kung sinuman, kasama ang mga dalubhasa at mga pantas ng wika ay may makikitang dapat baguhin at paunlarin, ito ay mga biyaya ng wika na dapat tanggapin.

(Ang sipi ng 2009 Gabay sa Ortograpiyang Filipino ay maaaring makuha sa website ng Komisyon sa Wikang Filipino.)