Bahagi ng metalinggwistik na pag-aaral ng wika ang pagkilala sa mga barayti nito.

Ang pagkakaroon ng barayti ng wika ay ipinapaliwanag ng teoryang sosyolinggwistik na pinagbatayan ng ideya ng pagiging heterogenous ng wika. Ayon sa teoryang ito, nag-uugat ang mga barayti ng wika sa pagkakaiba¬iba ng mga indibidwal at grupo, maging ng kani-kanilang tirahan, interes, gawain, pinag-aralan at iba pa. Samakatwid, may dalawang dimensyon ang baryabilidad ng wika – ang dimensyong heograpiko at dimensyong sosyal (Constantino, 2006).

Dayalek ang barayti ng wikang nalilikha ng dimensyong heograpiko. Tinatawag din itong wikain sa ibang aklat. Ito ang wikang ginagamit sa isang partikular na rehiyon, lalawigan o pook, malaki man o maliit.

Ayon sa pag¬aaral ni Ernesto Constantino, mayroong higit sa apat na raan (400) ang dayalek na ginagamit sa kapuluan ng ating bansa. Sa Luzon, ilan sa mga halimbawa nito ay ang Ibanag ng Isabela at Cagayan, Ilocano ng llocos, Pampango ng Pampanga, Pangasinan ng Pangasinan at Bicolano ng Kabikulan. Sa Visayas ay mababanggit ang Aklanon ng Aldan, Kiniray-a ng Iloilo, Antique at Kanlurang Panay, Capiznon ng Hilaga-Silangang Panay at ang Cebuano ng Negros, Cebu, Bohol at iba pa. Samantala, ilan sa mga dayalek sa Mindanao ay ang Surigaonon ng Surigao, Tausug ng Jolo at Sulu, Chavacano ng Zamboanga, Davaoeño ng Davao at T’boli ng Cotabato.

Ang mga dayalek ay makikilala hindi lamang sa pagkakaroon nito ng set ng mga distinct na bokabularyo kundi maging sa punto o tono at sa istraktura ng pangungusap. Pansinin na lamang natin ang pananagalog ng mga naninirahan sa iba’t ibang lugar na gumagamit ng isang wika. Iba ang pananagalog ng taal na taga-Maynila sa taga-Batangas, taga-Bulacan at taga-Rizal.

Katulad ng sa Tagalog, may barayti rin ang Ifugao ng Amganad, Batad at Kianan; ang Subanon ng Tuboy-Salog, Siocon, Lapuyan at Sindangan; ang Blaan ng Koronadal at Sarangani; at ng marami pa pang ibang dayalekto.

Sosyolek naman ang tawag sa barayting nabubuo batay sa dimensyong sosyal. Tinatawag din itong sosyal na barayti ng wika dahil nakabatay ito sa mga pangkat panlipunan. Halimbawa nito ay ang wika ng mga estudyante, wika ng matatanda, wika ng kababaihan, wika ng mga preso, wika ng mga bakla at ng iba pang pangkat. Makikilala ang iba’t ibang barayti nito sa pagkakaroon ng kakaibang rehistro na tangi sa pangkat na gumagamit ng wika. Pansinin kung paanong inilalantad ng rehistro ng mga sumusunod na pahayag ang pinagmulan ng mga ito:

a. Wiz ko feel ang mga hombre ditech, day!
b. Wow pare, ang tindi ng tama ko! Heaven!
c. Kosa, pupuga na tayo mamaya.
d. Girl, bukas na lang tayo maglayb . Mag-malling muna tayo ngayon.
e. Pare, punta tayo mamaya sa Mega. Me jamming dun, e.

Ang sosyolek ay maaari ring may okupasyunal na rehistro. Pansinin ang mga sumusunod na termino. Kung maririnig mo ang mga ito sa isang taong hindi mo kilala, ano ang agad mong iisiping trabaho niya?

hearing, exhibit, court,
pleading, fiscal, justice,
settlement, appeal, complainant

Ang mga salitang nakatala sa itaas ay mga legal jargon. Ang jargon ang mga tanging bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng gawain.

Ang mga sumusunod naman ay mga jargon sa disiplinang Accountancy at iba pang kaugnay na disiplina:

account, balance, net income,
debit, revenue, asset,
credit, gross income. cash flow

Sa disiplinang Medisina at Nursing naman ay gamitin ang mga sumusunod:

diagnosis, therapy, prognosis,
symptom, emergency, patient
check up, ward,  x-ray

Kung minsan, ang mga jargon ng isang larangan ay may kakaibang kahulugan sa karaniwan o sa ibang larangan. Pansinin ang mga sumusunod na salitang gamitin sa isports na tennis at kung paano naiiba ang kahulugan ng mga ito sa karaniwan:

ace, fault, love,
breakpoint, deuce, rally,
slice, advantage, service

Pansinin naman na ang mga sumusunod na terminolohiya ay may magkaibang kahulugan o rehistro sa larangang nasa boob ng panaklong:

mouse (Computer, Zoology)
stress (Language, Psychology)
strike (Sports, Labor Law)
hardware (Business, Computer)
race (Sports, Sociology)
nursery (Agriculture, Education)
operation (Medicine, Military)
note (Music, Banking)
accent (Language, Interior Design)
server (Computer, Restaurant Management)

Ngunit kahit pa ang mga pangkat ay may kanya-kanyang barayti ng wikang ginagamit batay sa dimensyong heograpikal at sosyal, indibidwal pa rin ang paggamit ng wika. Sa madaling sabi, kahit pa sosyal ang pangunahing tungkulin ng wika, ang indibidwal na katangian ng bawat tao ay nakaiimpluwensya pa rin sa paggamit ng wika. Ito ang nagpapaiba sa isang indibidwal sa iba pang indibidwal. Bawat isa kasi ay may kani-kaniyang paraan ng paggamit ng wika. Tinatawag itong idyolek. Pansinin kung paano nagkakaiba-iba ang idyolek ng mga sumusunod na brodkaster kahit pa silang lahat ay gumagamit ng isang wika, nabibilang sa isang larangan at naninirahan marahil lahat sa Metro Manila: a. Mike Enriquez.  b. Noli de Castro, c. Mon Tulfo,
d. Rey Langit at e. Gus Abelgas. Gayahin ang paraan ng pagsasalita ng bawat isa. Iba-iba, hindi ba?

Prominente rin ang idyolek ng mga sumusunod na personalidad kung kaya madalas silang gayahin ng mga impersonators: a. Kris Aquino, b. Gloria Macapagal-Arroyo, c. Mel Tiangco d. Anabelle Rama, e. Ruffa Mae Quinto at f. Mirriam Defensor-Santiago.

May iba pang barayti ng wika na tinatawag na pidgin at creole. Ang pidgin ay tinatawag sa Ingles na nobody’s native language. Nagkakaroon nito kapag ang dalawang taal na tagapagsalita ng dalawang magkaibang wika na walang komong wika ay nagtatangkang magkaroon ng kumbersasyong makeshift. Madalas, ang leksikon ng kanilang usapan ay hango sa isang wika at ang istraktura naman ay mula sa isa pang wika. Madalas na bunga ng kolonisasyon ang barayting ito ng wika. Pansinin ang pananagalog ng mga Intsik sa Binondo. Ang salitang gamit nila ay Tagalog ngunit ang istraktura ng kanilang pangungusap ay hango sa kanilang unang wika. Ganito ang madalas na maririnig sa kanila: Suki, ikaw bili tinda, mura.

Ang creole naman ay isang wika na unang naging pidgin at kalaunan ay naging likas na wika (nativized). Nagkaroon nito sapagkat may komunidad ng mga tagapagsalita ang nag-angkin dito bilang kanilang unang wika. Pinakamahusay na halimbawa nito ang Chavacano na hindi masasabing purong Kastila dahil sa impluwensya ng ating katutubong wika sa istraktura nito. Creole din ang tawag sa wika ng mga taga-Mauritius na magkahalong Pranses at kanilang unang wika.

References are available upon request.