1. Kalikasan: Tunggalian ng mga Pananaw

Kung susubukang itanong ng isang guro sa kanyang mga mag-aaral kung ano ang Pambansang Wika ng Pilipinas, ang isasagot ng mga nakakaalam ay Filipino, ngunit tiyak na di-iilan ang sasagot ng Tagalog dahil sa pagkalito. Tanggapin man o hindi, ang ating Pambansang Wika, marahil kasi, ay hindi pa rin nakakawala sa anino ng Tagalog, kung iyon man ang nais ng ating mga mambabatas na nagbalangkas nitong ating huling Saligang Batas at ng marami pang guro at dalubhasa sa wika. Kaya nga’t ang bunga nito’y pagkalito sa mga karaniwang mamamayan at magkakatunggaling pananaw sa mga dalubhasa. Ang argumento: Magkaiba nga ba o pareho lamang ang Tagalog at Filipino?

Kung tutuusin, hindi na bago ang gayong argumento. Minsan na tayong hinati ng halos-ganitong tanong nang ang dating Wikang Pambansang Pilipino at ang batayan nitong Tagalog ay halos ipagkamali o sadyang di-ipag-iba sa isa’t isa ng marami. Kaugnay ng nabanggit na kalituhan, ipinalabas ni Kalihim Jose A. Romero ng Kagawaran ng Edukasyon noong Agosto 13, 1959 ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 na nagsasaad ng kailan ma’y tutukuyin ang Wikang Pambansa, ang salitang Pilipino ang siyang gagamitin. Nauna rito, itinadhana ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong Disyembre 30, 1937 ang Tagalog bilang saligan ng Wikang Pambansa, at kung gayo’y di kailanman naging Wikang Pambansa. Ngunit hindi naging sapat ang mga nabanggit na hakbang sa layuning makumbinsi ang maraming may salungat na opinyon, lalo na’t ang kanilang paninindigan ay mayroon din namang batayang lohikal (bagamat ang iba’y nagiging emosyunal kadalasan). At ngayo’y muli tayong nahaharap sa halos-ganitong tanong – Tagalog at Filipino: iba nga ba o pareho?

A. Magkaiba ang Tagalog at Filipino

Pansinin natin ang probisyong pangwika sa ating kasalukuyang Saligang Batas: Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat na payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika (Art. XIV, Sek. 6).

Kapansin-pansin dito ang di-pagbanggit sa Tagalog, sa halip ay ginamit ang “umiiral na wika sa Pilipinas.” Nais nga marahil na iiwas ng mga bumalangkas nito ang ating Wikang Pambansa sa pagkakaroon ng bahid-Tagalog, bagamat batid nating ang Tagalog ay isa sa mga pangunahing “umiiral na wika sa Pilipinas” at sa katunaya’y pangunahing lingua franca sa higit na nakararaming pook. Sa pagsusuring legal at teknikal, kung gayon, magkaiba nga ang Tagalog at Filipino. Filipino ang ating Pambansang Wika ayon sa batas na katulad ng iba pa ay pagsasaligan ng ating Wikang Pambansa bilang patuloy na pagpapaunlad at pagpapayabong nito.

B. Pareho ang Tagalog at Filipino

Ang naunang pangangatwirang magkaiba ang Tagalog at Filipino ay taliwas sa ilang salalayang simulain sa pag-aaral at paggamit ng wika. Una, sa pananaw-panlinggwistika, ang dalawang magkaibang wika ay may magkaibang set ng mga bokabularyo na kung ang isang tagapagsalita ng isang wika ay makikipag-usap sa tagapagsalita ng iba ay hindi sila magkakaunawaan. Halimbawa, ang isang Ilocano at isang Bicolano ay hindi makakapag-ugnayan sa kani-kaniyang sariling wika dahil ang Iloco at Bicol nga ay magkaiba. Ngunit sa ngayon ay hindi ganito ang nangyayari sa Tagalog at Filipino. Subukang makipag-usap sa Filipino sa isang likas na mananagalog, mapapansing may komunikasyong magaganap sa kabila ng minimal na pagkakaiba ng bokabularyo. Ikalawa, sa pananaw-pampanitikan, ang dalawang magkaibang wika ay dapat may magkaibang panitikan. Ngunit sa ngayon ay hindi ganito ang umiiral kung ang pagtutuunan ay ang pagtuturo’t pag-aaral ng panitikang Filipino-Tagalog. Subukang tayain ang mga akdang itinuturo sa isang klase sa Panitikang Filipino. Hindi ba’t halos kundi man lahat, ay nasusulat sa Tagalog? Subukang buklatin ang isang aklat sa Panitikang Filipino. Muli, hindi ba’t halos, kundi man lahat, ng mga akdang nakapaloob dito ay nasusulat sa Tagalog? Kaya nga’t nakagawian tuloy ang pagpunang “Hindi naman iyan aklat sa Panitikang Filipino kundi Tagalog lamang.” Kung gayo’y nasaan ang Panitikang Filipino? Ang sagot, ang Panitikang Tagalog, sapagkat ang Tagalog at Filipino, batay sa dalawang nabanggit na simulain, ay iisa’t pareho lamang. Paano, kung gayon, maipaliliwanag ang “minimal na pagkakaiba sa bokabularyo” upang maging konsistent sa katwirang ito? Isang simpleng lohika: Ang Filipino ay parang isang tipikal na “Juan Probinsyano” na matapos ang ilang panahong pananatili sa dayuhang lupain ay nagkaroon ng mga superpisyal na pagbabago, ngunit si “Juan Makabago” ay ang dating si “Juan Probinsyano” pa rin, kung paanong ang Filipino ay Tagalog pa rin.

C. Ang Filipino ay Pinauunlad na Tagalog

Ang isyu sa kalikasan ng wika ay hindi katulad ng isang barya na laging may dalawang mukha lamang. Narito ang isa pa (at maaaring may iba pa). Ang Tagalog at Filipino ay hindi pareho, ngunit hindi rin magkaiba. Paanong nangyari ito? Sapagkat ang Filipino ay pinaunlad (o pinauunlad) na Tagalog salig sa mga umiiral na wika sa Pilipinas. Hindi sila pareho sapagkat higit na mayaman ang bokabularyo ng Filipino kaysa sa Tagalog dahil sa impluwensya ng iba’t ibang wikain at wikang banyagang maluwag na nakakapasok sa bokabularyo nito, bagamat hindi ito sapat upang hindi magkaunawaan ang nagsasalita ng Tagalog (katulad ng salitang lalawiganin) ang hindi maituturing na salitang Filipino sapagkat hindi angkop ang salitang ito sa istandardisasyon at/o intelektwalisasyon ng Filipino, ang higit na mahalaga’y maraming mga salitang banyaga tulad ng Ingles, Italyano, Franses, Latin at iba pa at mga salitang mula sa iba pang wikain sa Pilipinas ang mga maituturing na bahagi na ng bokabularyong Filipino (sapagkat nauunawa’t ginagamit) ngunit di ng Tagalog. Paano naman sasagutin ang argumentong may kaugnayan sa panitikan na ipinaliwanag sa ikalawang katwiran? Unang-una, kailangang linawin na ang wikang ginagamit sa pakikipagtalastasan ay hindi kadalasan tulad ng sa panitikan. Kaya nga’t madalas punahing Tagalog-na-Tagalog ang isang akdang pampanitikan dahil karaniwang piling-pili ang mga salitang ginamit, mapahiwatig at masimbulo o di kaya’y namumutiktik sa mga tayutay na di natin kadalasang ginagawa sa pakikipagtalastasan (lalung-lalo na sa Filipino). Magkagayon man, hindi sapat ang wikang ginamit sa isang akda upang sabihin kung anong uri ng panitikan iyon. Halimbawa, oo nga’t maaaring ang ginagamit na wika sa isang akda ay tulad ng sinasabing “Tagalog-na-Tagalog” ngunit hindi maitatatwang ang kulturang sinasalamin sa akdang iyon ay maaaring Pilipinong-Pilipino pa rin at di lamang Tagalog. Kung gayon, anuman ang uri ng wikang gamitin sa panitikan, ang mahalaga pa ri’y ang katangian nito upang matukoy kung anong uri ng panitikan ito (bagamat higit na mabisa ang isang akdang pampanitikang magsalamin ng isang kultura kung ito’y nasusulat sa katutubong wika ng kulturang iyon). Hindi, kung gayon, kailangang magkaroon (sa ngayon) ng magkahiwalay na panitikan ang Tagalog at Filipino. Ang kailangan lamang marahil ay paunlarin ang Panitikang Tagalog sa pamamagitan ng pagtuturo at pag-aaral din ng panitikan ng iba pang rehiyon ng bansa, kung paanong ang Filipino ay pinauunlad salig sa mga umiiral na wika sa bansa.

Kung gayon, ang Filipino ay hindi Tagalog ngunit hindi rin ito isa sa mga bagong wika na iba sa Tagalog. Ito ay isang wikang produkto ng mga panlipunang pagbabago, mula sa Pilipino na batay sa Tagalog (Kautusang Pangkagawaran Blg. 7, 1959; Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, 1937) na naging Filipino (Saligang Batas, 1987) na ang pinakasisidlan ay Tagalog at patuloy na pinauunlad at pinayayaman batay sa iba’t ibang wika at wikain sa Pilipinas.

2. Batayan: Ang Kakambal na Tanong

Kakambal ng isyu sa pagkakaroon ng Wikang Pambansa ng Pilipinas ay ang pagpili ng batayan nito. Di nga kasi, hindi madaling pumili ng isa sa mga umiiral na wika ng Pilipinas at siyang gawing Wikang Pambansa (katulad ng sa ibang bansa) dahil sa likas na ugaling rehiyonalismo ng mga Pilipino. Upang mapagaan ang isyu, hindi aling wikain ang pipiliin upang maging Wikang Pambansa ang pinagtalunan (at pinagtatalunan) kundi aling wikain ang pagbabatayan nito?

Maaalalang nang ideklara ang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa, umalingasngas ang mga pagtutol mula sa ilang rehiyon, at nito ngang nakaraang Kumbensiyong Konstitusyonal, upang maiwasan na ang maigting na pagtatalo at tunggalian ng mga rehiyon na humahati sa atin, itinadhana ng Saligang Batas na ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay tatawaging Filipino at pauunlarin salig sa mga umiiral na wikain at wika sa Pilipinas.

Ngunit hindi rito natatapos ang mga pagtatalo hinggil sa usaping ito. Mainit pa rin ang mga pagtatalo sa kung saan nararapat ibatay ang wikang pambansa: sa Tagalog ba (Mono-Based National Language) o sa iba’t ibang wikain (Multi-Based National Language).

A. Mono-Based National Language

Bagamat matagal-tagal ding umiral ang ganitong kaayusan, marami pa rin ang tumututol sa ideyang ibatay ang Pambansang Wika sa Tagalog lamang. Marami ang nagpapalagay na ang ganitong ideya ay hindi naaangkop sa buong Pilipinas sapagkat mayroon tayong Cebuano, Ilocano, Kapampangan at iba pang pulutong ng mga katutubo na hindi naman natin maipagkakailang mga Pilipino rin. Sa paggamit ng Pilipino na batay sa Tagalog, ang mga di-Tagalog ay nakadarama ng damdaming kakulangan o ng damdaming napapailalim sa mga Tagalog. Nadarama nila ang panibugho na sila’y dayuhan sa isa’t isa.

Pangunahin sa pagtutol dito ay ang mga Cebuano. Anila, ang Pilipino (1959) na siyang nahirang na Wikang Pambansa ay Tagalog din. Hindi sila masisisi sa bagay na ito sapagkat nang likhain nga naman ang Balarila ng Wikang Pambansa ilang taon na ang nakalilipas ay naging Tagalog-na-Tagalog. Ito’y isang pagkakamali na lalong nagpalala sa suliranin hinggil sa pagkakaiba at pagkakakilanlan ng Pilipinong batay sa Tagalog at ng Tagalog mismo.

Ngunit hindi dapat maging ganyan ang saloobin ng sino mang Pilipinong nangangarap ng kadakilaan ng kanyang bayan. Sa katunayan, Tagalog ang piniling saligan ng Wikang Pambansa sa dahilang ito’y nahahawig sa maraming wikain sa bansa. Sa madaling salita’y hindi magiging mahirap unawain at pag-aralan ang Tagalog para sa mga di-Tagalog dahil nahahawig ito sa kanilang wikain. Pinatutunayan din ng maraming pag-aaral na ang Tagalog ang pinakamaunlad na wika sa bansa at siyang ginagamit ng higit na nakararami sa pakikipagtalastasan, sa panitikan, sa kalakalan at sa iba pang disiplina’t larangan.

B. Multi-Based National Language

Ang ganitong ideya ay naglalayong luminang ng Wikang Pambansa para sa Pilipinas na hindi lamang batay sa Tagalog, kundi batay sa maraming wikain sa bansa kasama ang mga salitang banyaga na naging at nagiging bahagi na ng ating kabihasnan. Marami ang nagpapalagay na ang ganitong kaayusan ay nagpapakita ng pagiging dinamiko ng isang wika. Idinadahilan nila na hindi lamang iisa ang dapat maging estilo ng Wikang Pambansa na batay sa iba’t ibang wikain, tayo’y higit na magkakaunawaan bilang mga mamamayang Pilipino – Tagalog, Cebuano, Ilocano, Ibanag, Kapampangan, Muslim, lahat!

Maaaring tama ang kanilang argumento. Ngunit ang ideya ng isang Pambansang Wika na batay sa iba’t ibang wikain ay nagbubunga ng maraming katanungan. Una, kung tayo’y lilinang ng isang wikang panlahat na batay sa iba’t ibang wikain, saan ibabatay ang balarila nito? Iba-iba ang balarila at/o katangiang panlinggwistika ng iba’t ibang wikain. Halimbawa, iba ang sistema ng impleksyon sa pagpaparami ng pangngalan ng Tagalog sa Ilocano. Kung ang balarila’y ibabatay muli sa iba’t ibang wikain, sino ang henyong gagawa nito? At kung magawa ma’y hindi kaya magbunga na naman ito ng pagtatalo at paninibugho ng ibang mga katutubo na siyang iniiwasan ng mga naniniwala sa Multi-based sapagkat hindi maiiwasang may isa o ilang wikaing makahihigit na batayan ng balarila ng Wikang Pambansa? Ikalawa, saan ibabatay ang Panitikang Pambansa? Sa iba’t ibang wikain din ba? Kung oo, paano ito maituturo sa mga paaralan? Ikatlo, kung makabubuo man ng wikang batay nga sa iba’t ibang wikain, sino kaya ang gagamit nito?

Hindi kaya lalo lamang itong maging isang artipisyal na wika na tulad ng Esperanto ng Europa na hindi pa man lubusang nalilikha ay namatay na?

3. Isang Tagumpay: Ang Pundasyon ng Gusali

Bagamat patuloy pa rin ang mga pagtatalo at pagkakahati-hati hinggil sa mga usaping ito, makatotohanan marahil na ipalagay na tayo’y nagkakaisa na 1) kailangan ng isang Wikang Pambansa na siyang kakatawan at magbubuklod sa ating lahat at 2) upang maging higit na mabisa ang Pambansang Wikang ito, kinakailangang ito’y isalig sa katutubong wikain na tunay na sa atin (bagamat tayo’y naniniwala na ang panghihiram sa wikang dayuhan ay kailangan ng ating wika upang ito’y umunlad). Ang dalawang katotohanang nabanggit ay malaki nang tagumpay para sa ating Wikang Pambansa at para sa mamamayang Pilipino.

Tunay, hindi madali at mabilis ang proseso ng paglinang ng isang Wikang Pambansa. Hindi ito hanggang batas o kasulatan lamang. Higit sa lahat, kinakailangang ito’y napagkaisahan upang di pagmulan ng pagkakahati-hati at kinakailangang ito’y ginagamit upang manatiling buhay. Ngunit, ano bang gusali ang di nagsimula sa pagtatatag ng unang bato’t semento bilang pundasyon? Kung gayon, naitalaga na ang mga unang pundasyon ng ating Wikang Pambansa at maaaring sa ilang panahon pa’y lubusan nang magkakahugis ito. Ang itinatayo nati’y isang matibay na gusali na bibigkis sa ating lahat na ang pangalan ay Pambansang Wika at hindi isang Tore ni Babel. Huwag nating hayaang buwagin ang mga pundasyon ng gusaling ito ng ating pagkakaiba-iba sa wikain. Huwag nating biguin ang pagpapakasakit ng ating mga ninuno at hindi tayo bibiguin ng Diyos!